Inihain nina Davao City 1st district Rep. Paolo Duterte, Benguet lone district Rep. Eric Yap, at ACT-CIS Party-list Rep. Edvic Yap ang House Bill No.7687 na naglalayong magkaroon ng ₱10-bilyong pondo para tustusan ang paggamot at pangangalaga sa mga indigent cancer patients.

Ang nasabing panukalang batas na may pamagat na "An Act establishing a cancer medicine and treatment assistance fund for indigent and underprivileged Filipinos", ay naglalayon umanong palakasin ang umiiral na cancer assistance fund na ipinag-uutos sa ilalim ng Republic Act No.11215 o ang National Integrated Cancer Control Act.

Sinabi ni Duterte at ng iba pang mga may-akda na sa kabila ng pagsasabatas ng RA No.11215 at ang paglikha ng assistance fund, ang mga pasyente ng cancer mula sa low-income households ay patuloy na nagkakaroon ng pinansiyal na pasanin pagdating sa kanilang medical care at treatment.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang ₱10-bilyong Cancer Medicine and Treatment Fund ay pangangasiwaan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pamamagitan ng mga accredited na ospital ng gobyerno.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

“The program shall be limited to indigent and underprivileged cancer patient beneficiaries to be identified by PhilHealth in close coordination with the Department of Social Welfare and Development (DSWD), the Department of Health (DOH), and the Department of the Interior and Local Government (DILG),” anito.

Sa pag-aaral na isinagawa ng Institute of Human Genetics ng University of the Philippines (UP) Manila, natuklasang 189 sa bawat 100,000 Pilipino ang may cancer. Apat na Pilipino umano ang namamatay sa cancer kada oras o 96 na pasyente ng cancer kada araw.

Pangalawang nangungunang sanhi ng dami ng namamatay sa bansa ang cancer, kasunod ng ng mga sakit sa puso at vascular system, ayon sa pag-aaral ng UP.

Noong 2020, mahigit 150,000 bagong kaso at 90,000 pagkamatay ang naitala rito.

Sa unang kalahati ng 2021, mahigit 27,000 na namatay dahil sa cancer umano ang naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA). Ito ay kumakatawan sa 9% ng kabuuang pagkamatay sa panahong ito.

Ellson Quismorio