Nagkaloob ang Office of the Vice President (OVP) ng relief goods sa mga pamilyang nakatira sa Verde Island sa probinsya ng Batangas na apektado ng oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress sa Oriental Mindoro.

Sa Facebook post ni Vice President Sara Duterte nitong Biyernes, Marso 31, ibinahagi nito na mahigit 600 pamilya ang natulungan sa pamamagitan ng Disaster Operations Center (OVP-DOC).

Tinatayang 1,310 Relief for Individuals in Crisis and Emergencies (RICE) food boxes umano ang ipinamahagi ng OVP sa mga apektadong residente mula sa mga barangay ng Liponpon, San Agapito, San Agustin Kanluran, San Agustin Silangan, San Andres at San Antonio.

“Nagpapasalamat tayo sa Batangas Provincial Government, Batangas Vice Governor’s Office, Southern Police District, at iba pang volunteers sa kanilang kahandaang tumulong sa mga kababayan sa Batangas,” saad ni Duterte.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Binanggit din ng bise predidente na personal nilang binisita ang mga apektadong residente sa Caluya, Antique noong Marso 13 upang “pangunahan ang pagbibigay ng tulong sa 7,617 na pamilya o 27,33 na mga indibidwal, kung saan karamihan sa kanila ay seaweed planters at mangingisda”.

Matatandaang lumubog ang MT Princess Empress, na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel oil, noong Marso 28 sa Naujan, Oriental Mindoro.

Dahil sa pagkalat ng oil spill sa ilang mga baybay-dagat sa Oriental Mindoro, Antique, Palawan, at Batangas, libo-libong mga mangingisda ang naapektuhan tinatayang ₱5-milyon umano ang nawawala sa sektor ng pangisdaan kada araw.

BASAHIN: Sektor ng pangisdaan, nawawalan ng ₱5M kada araw dahil sa oil spill – BFAR