Naglunsad na ng imbestigasyon ang Maritime Industry Authority (MARINA) kaugnay sa pagkasunog ng MV Lady Mary Joy 3 sa karagatang sakop ng Basilan kamakailan nitong Marso 29 na ikinasawi ng 29 pasahero.
Sa Facebook post ng MARINA, sinimulan na ng Enforcement Service (ES) ng ahensya ang marine safety investigation.
"In line with our commitment to ensure the safety and security of all maritime activities, we have also directed the conduct of surveys on all vessels operated by Aleson Shipping Lines, as well as intensified compliance monitoring for all vessels in the country," ayon sa pahayag ng MARINA.
Inatasan din ang nasabing kumpanya na tulungan ang mga pamilya ng nasawi at nakaligtas sa insidente.
Ang naturang hakbang ay alinsunod na rin sa direktiba ni MARINA Administrator Hernani Fabia nitong Biyernes.
Matatandaang biglang lumiyab ang barko habang naglalayag mula Zamboanga City patungong Jolo, Sulu, sa Baluk-Baluk Island, Hadji Muhtamad, Basilan nitong Miyerkules.