Nagpahayag ng kaniyang pasaring si It's Showtime host at Unkabogable Phenomenal Star Vice Ganda laban sa "constituents" ng kaniyang karakter na si "Yormeme" na mahilig lang manood ng "spliced videos" at nagkokomento kaagad laban naman sa kaniya.
Anang komedyante sa kaniyang tweet, "GANDANG tanghali sa mga solid Madlang People natin dyan !!! See u in Showtime leytah! Hi na din sa mga constituents ni Yormeme na mahilig manuod ng mga spliced videos lang sa chikchok pero todo comment na parang knows na knows ang buong ganap. Lelzzzzzz!!! đ€Șđđ"
Matatandaang isang guro ang nag-post ng open letter kay Vice Ganda, bilang reaksiyon sa sinabi niya tungkol sa recitation ng mga mag-aaral sa loob ng paaralan.
Ayon kasi kay "Yormeme," kung siya ay maluluklok sa puwesto, ipagbabawal niya ang biglaang pagtatawag ng mga guro sa mga mag-aaral na hindi nagtataas ng kamay sa tuwing may recitation, o kapag nagtatawag ang guro upang sagutin ang mga tanong.
Katwiran niya, dapat daw ang guro ang magbigay ng sagot, o kung hindi alam ang sagot, huwag na lamang magtanong. Kung ang mag-aaral daw ay hindi nagtataas ng kamay, makabubuting huwag na lamang tawagin dahil ibig sabihin, hindi niya alam ang sagot.
Mahalaga raw pangalagaan ang mental health ng mga mag-aaral, at isa na rito, ang huwag mapahiya sa klase kapag hindi nakasagot sa tanong ng guro, o kung wala itong partisipasyon sa talakayan.
Umalma naman dito ang mga guro dahil ito ay tinatawag na "teaching strategy" at wala naman daw layunin ang mga guro para mamahiya ng mga mag-aaral.
Ito rin ay paraan ng assessment kung may natututuhan ba ang mga mag-aaral sa klase o wala.
Huwag daw sanang magbigay ng mga ganitong pahayag si Vice dahil tila "vindicated" ang kaniyang mga nasabi dahil pumalakpak ang madlang pipol sa kaniyang mga tinuran, at baka gawing "bala" pa ng mga mag-aaral na ayaw makipag-participate sa talakayan.
Nakarating naman sa kaalaman ni Vice ang open letter. Aniya, ang mga nasabi niya ay bilang isang "Yormeme" na isang huwad na personalidad.
"Tama naman po ang karamihan sa mga sinabi ninyo. Matalino po ang pagkakalahad ninyo ng mga argumento ninyo. Mukhang alam na alam po ninyo ang mga sinasabi ninyo. Hanga po ako," papuri ni Vice.
"Yun nga lang po at baka hindi n'yo alam na ang 'Yormeme' ay isang RUNNING JOKE! Lahat po ng sinasabi ni Yormeme ay mali. Si Yormeme ay isang huwad at magnanakaw na pulitiko. Isa s'yang maling tao. Sana po'y di n'yo siya sineryoso. Kahanga-hanga po ang matalino at maalam. Pero ok din po ang may sense of humor paminsan-minsan," aniya pa.
Ang latest naman, nanawagan ang ilang child psychologists kay Vice tungkol sa usapan nila ni "Kulot" sa segment na "Isip Bata" kung saan emosyunal na naibahagi ng bata ang sama ng loob sa kaniyang tatay na may katext nang iba.