Maugong ang tsikang hindi raw basta-basta titigbakin ang noontime show na "Tropang LOL" ng Brightlight Productions at kasalukuyan pa ring umeere sa TV5, Kapamilya Channel, at A2Z na kaback-to-back ng "It's Showtime," subalit baka ilipat lamang sa ibang TV network.

Iyan ang lumabas na ulat sa PEP, matapos silang makatanggap ng alingasngas na dahil marami na rin namang advertisers ang show, nanghihinayang ang pamunuan na tuluyan na itong tsugihin.

Bago ito, may lumabas pang tsikang baka ilagay sa panghapong timeslot ang show, dahil ang bet na ilagay sa timeslot nito ngayon ay ang nagbabalik na "Face to Face" na ihohost daw nina Karla Estrada at Alex Calleja, na napaulat na rin dito sa Balita.

Confirmed na! Pagbabu ng Tropang LOL sa ere, may petsa na, ikinalungkot nina Alex G, Billy Crawford atbp

Ang tanong, saang TV network daw kaya ililipat ang Tropang LOL? Siyempre, ekis na ang ABS-CBN dahil may It's Showtime na nga, at umeere na rin naman sila doon.

Ang pamimilian na lamang: GMA Network, ALLTV, PTV, IBC-13, SMNI, o NET25.

Sa mga nabanggit na estasyon, mas matunog na baka sa NET25 daw sila ilipat.

Abangan na lang ang susunod na mga kabanata! Pero ang tiyak, hanggang katapusan ng Abril ay mapapanood ang noontime show.