Isa pang suspek sa pananambang kay Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong, Jr. ang napatay umano sa sagupaan sa Maguing nitong Miyerkules.

Sa pahayag ng Area Police Command-Western Mindanao (APC-WM), hindi pa rin nakikilala ang napatay na suspek.

Naaresto naman sa nasabing operasyon ng pulisya at militar ang asawa ni Lomala Baratamo Mandoc, lider ng nanambang kay Adiong nitong Pebrero.

Gayunman, hindi muna isinapubliko ang pagkakakilanlan nito.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Ayon sa pulisya, sumiklab ang sagupaan laban sa grupo ni Mandoc sa Barangay Dilimbayan, Maguing nitong Marso 29 ng madaling araw.

Dalawang matataas na kalibre ng baril ang nasamsam sa pinangyarihan ng sagupaan.

Matatandaang tinambangan ng grupo ng kalalakihan ang convoy ni Adiong sa Brgy. Dilimbayan, Maguing nitong Pebrero 17 na ikinasawi ng apat na tauhan ng gobernador.

Sugatan sa insidente si Adiong at isa pa niyang tauhan.

Philippine News Agency