Masayang ibinalita ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Miyerkules na naresolba na ang gulo sa clearing operations sa pagitan ng lungsod at ng Metro Manila Development Authority (MMDA).

"All is all well that ends well," ayon pa sa alkalde, matapos na maayos ang suliranin sa pagitan ng Manila local government unit (LGU) at ng MMDA kaugnay ng clearing operations sa mga kalye na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng lokal na pamahalaan.

Ikinatuwa ni Lacuna ang pangyayari at pinasalamatan si third district Representative Joel Chua, sa mabilis na pag-aksiyon, kasama si Rep. Rolan Valeriano ng ikalawang distrito, na nauwi sa pagkakalutas ng suliranin.

Matatandaang nanawagan pa si Rep. Chua na buwagin na ang MMDA dahil sa panghihimasok nito sa hurisdiksyon ng lungsod.

National

Taga-Maynila, winner ng ₱107.8M sa Lotto 6/42

Sa kanyang pagsasalita nang dumalo sa "MACHRA's Balitaan sa Harbour View" ng Manila City Hall Reporters' Association nitong Biyernes, sinabi ni Chua na naresolba na ang kaguluhan nang kilalanin ng MMDA ang kapangyarihan ng Manila LGU at kung saan lang din ang kanilang awtoridad.

Pinalagan ni Chua, na isa ring abogado, ang MMDA nang magsagawa ng clearing operations kahit sa mga lugar na hindi naman kabilang sa 'Mabuhay Lanes.'

Matatandaang si Chua kasama si Rep. Valeriano ay sumugod upang ayudahan ang mga nagrereklamong barangay officials at residente ng Fugoso at Natividad Streets sa third district,matapos na magsagawa angMMDA ng clearing operations sa nasabing lugar at maging ang mga scaffoldings ay kinumpiska at pati na mga motor ng Grab delivery service.

Nag-viral ang nasabing insidente na sinundan ng Congressional hearing dahil sa nasabing usapin.

Sinabi ni Chua na dahil sa mga pag-uusap, nagkalinawan ang MMDA at ang city government sa mga lugar na bumabagsak sa kani-kanilang hurisdiksyon at kapangyarihan at ang limitasyon ng kanilang nasasakupan ay maliwanag na rin.

Binigyang-diin ni Chua na ang mandato ng MMDA ay bilang isang coordinating body lamang habang ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na nagsasagawa din ng clearing operations, ay direkta sa ilalim ng LGU at may kapangyarihan pagdating sa nasabing usapin.