Isang malaking tore ng abo ang ibinuga ng Bulkang Anak Krakatoa sa Indonesia matapos ito sumabog nang apat na beses nitong Martes, Marso 28.

Sa ulat ng Agence France Presse, nagpadala ang nasabing sunud-sunod na pagsabog ng malalaking usok at abo 1,500 metro mula sa itaas ng bunganga ng bulkan.

"This is part of an eruption phase associated with the formation of a new body for the volcano," saad ng opisyal ng Centre of Volcanology and Geological Hazard Mitigation na si Oktory Prambada sa AFP.

Bahagyang gumuho ang bunganga ng Bulkang Anak Krakatoa taong 2018 nang magkaroon ito ng isang malaking pagsabog na siyang nagdala ng malalaking tipak ng bulkan sa karagatan at nagdulot ng tsunami na naging dahilan ng pagkasawi ng 400 katao at ikinasugat ng libu-libo.

Internasyonal

‘Doraemon’ voice actor Nobuyo Oyama, pumanaw na

Sa ngayon ay wala pa naman umanong naulat na pinsala o nasugatan ng nangyaring pagsabog.

Ibinahagi rin ni Prambada sa AFP na nananatili ang alert status ng bulkan sa pangalawang pinakamataas na alert level.

Pinagbabawal pa ring lumapit sa limang kilometrong layo mula sa bunganga ng bulkan.

Ang bansang Indonesia ay matatagpuan sa Pacific “Ring of Fire” at mayroong halos 130 aktibong mga bulkan.

Matatandaang nito lamang nakaraang linggo, sumabog din ang Bulkang Ili Lewotolok at nagbuga ng usok at abo.

BASAHIN: Bulkang Ili Lewotolok sa Indonesia, sumabog, nagbuga ng usok at abo