Naninindigan si City Sports Development Division head Mikey Aportadera na walang lapses sa safety measures na isinagawa sa ginanap na Ironman 70.3 triathlon race sa Davao City nitong Linggo, Marso 26.

Binanggit ito ni Aportadera matapos mapabalitang nasawi ang beteranong swimming coach na si Jerry Kasim matapos itong atakihin umano sa puso.

BASAHIN: Nasawi sa Ironman 70.3 Davao race, kinilalang isang veteran swimming coach

Sa ulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Aportadera na ang nangyari kay Kasim ay hindi kontrolado ng security at safety cluster ng kanilang organizers.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Dagdag pa rito, agad naman umanong rumesponde ang Multi-Agency Coordinating Center (MACC) o ang mga personnel ng Philippine Coast Guard sa nangyari sa atleta na binawian ng buhay sa ospital.

Nagpaabot na rin umano ng tulong ang pamahalaang lungsod at race organizers sa pamilya ni Kasim.

Bukod naman sa nasawing atleta, kritikal na kondisyon naman umano ang ang manonood na si Gerald Tayag, 18, matapos itong magtamo ng serious injuries nang mabangga siya ng isang siklista habang pinupulot ang bote ng tubig na itinapon ng isa pang kalahok sa national highway sa Panabo City, Davao del Norte.

Binanggit naman ni Aportadera na nagpaabot na rin ang City Mayor’s Office ng tulong kay Tayag at kasalukuyang minomonitor ang kaniyang kondisyon.

“As a city, we would not want that to happen. Nobody did. For us, we will look into the matter. We want to look at all possible angles so that at least there is clarity as to what really happened,” ani Aportadera.

Samantala, sinabi naman ni Major Catherine dela Rey, tagapagsalita ng Davao City Police Office (DCPO), sa panayam ng Davao City Disaster Radio, na naging mapayapa ang isinagawang Ironman 70.3 dahil wala umanong naiulat na krimen.

Dagdag pa ni Dela Rey, hindi pa rin ibinababa ng DCPO ang mahigpit na security measures dahil inaasahan nilang mananatili at bibisita ang mga kalahok sa mga tourist spot ng lungsod pagkatapos ng karera.

Ang nasabing Ironman 70.3 ay nilahukan naman umano ng halos 1,700 mga atleta mula sa 46 iba’t ibang mga bansa.