Kahit na 'nilangaw" ang grand opening ng sports bar ni motivational speaker at social media personality Rendon Labador dahil wala raw bumili ng ticket, hindi raw ito dahilan upang hindi siya magpatuloy sa pagbubukas ng pangalawang branch sa Pampanga.

Rendon Labador, dismayado sa grand opening ng resto: 'Fans ba lahat kayo ni Coco?'

Tila sinisi ni Labador ang fans ni "FPJ's Batang Quiapo" director at lead star Coco Martin kung bakit flopsina ang kaniyang pa-grand opening. Tinawag niyang "namemersonal" ang mga ito.

"Grabe, napaka sakit nito 😔 Pinaglalaban ko lang naman ang karapatan ng mga negosyante. Parang ako pa yung naging masama. Ano nangyayari sa Pilipinas," sey ni Rendon sa isang Facebook post.

"Aanhin ko ang TRENDING sa buong Pilipinas kung wala namang bumibili ng tickets. Pinersonal na ako ng Coco fans," aniya pa.

Sa isa pang hiwalay na Facebook post, sinabi ni Rendon na napag-isip-isip daw niyang siguro ay "palamunin" at "walang pera" ang fans ni Coco kaya hindi na-afford ang pagbili ng tiket para sa grand opening ng kaniyang negosyo.