Kinumpirma ng Cabuyao City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) nitong Linggo, Marso 26, na bukod sa mahigit 100 na naiulat na naospital, 34 pang estudyante sa Gulod National High School-Mamatid Extension sa Cabuyao, Laguna, ang nagkasakit matapos isagawa ang fire drill.

Matatandaang 104 estudyante ang naiulat na nasugod sa ospital matapos umano silang mahilo at mahimatay dahil sa init ng panahon at kawalan ng inumin habang isinasagawa ang fire drill na nangyari noong Huwebes, Marso 23.

BASAHIN: Mahigit 100 estudyante sa Cabuyao, naospital habang isinasagawa ang fire drill

Ayon sa Cabuyao CDRRMO, ang nasabing 34 namang estudyante ay nagpunta sa eskwelahan noong Biyernes, Marso 24, sa kabila umano ng utos ni Mayor Dennis Hain sa kanilang principal na kanselahin muna ang klase habang iniimbestigahan pa ang insidente.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Isa-isa umanong nahimatay ang mga estudyante sa klase, na siyang naging dahilan sa pagkansela ng pasok at pagpapauwi sa kanila.

Ayon kay CDRRMO head Sabi “Bobby” Abinal Jr., isinagawa ang nasabing fire drill bandang 2:00 ng hapon bilang pagsunod sa Department of Education Order No. 53, Series of 2022 (Mandatory Unannounced Earthquake and Fire Drills in Schools).

Base sa kanilang initial findings, nahilo at nahimatay ang mga estudyante dahil sa gutom at dehydration.

Samantala, sinigundahan din ni Abinal ang kamakailang pahayag ng Bureau of Fire Protection (BFP) na hindi na-coordinate sa kanila at sa pamahalaang lungsod ang isinagawang fire drill ng eskwelahan.

BASAHIN: Fire drill na nagdulot ng pagkaospital ng mahigit 100 estudyante, ‘di na-coordinate sa Cabuyao Fire Station – BFP

Binanggit din ni Abinal na walang safety officers o medics, at tanging Boy and Girl Scouts lang ang nakatalaga bilang marshals sa nasabing fire drill.