Nag-alok na ang pamahalaan ng ₱1.2 milyong pabuya upang mapadali ang pag-aresto sa dalawang suspek sa pagpatay sa hepe ng San Miguel Police sa Bulacan nitong Sabado ng gabi.

Ang nasabing reward ay mula sa Department of the Interior and Local Government (₱500,000), Police Provincial Office 3 (₱300,000), hepe ng Philippine National Police (₱200,000), at mula sa opisina ni Bulacan Governor Daniel Fernando (₱200,000).

Sa Facebook post ng Bulacan Police Provincial Office, mapupunta ang nasabing pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikaaaresto ng dalawang suspek sa pagpatay kay Lt. Col. Marlon Serna.

Binawian ng buhay si Serna habang ginagamot sa Emmanuel Hospital sa San Miguel dahil sa mga tama ng bala.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Bago ang insidente, nagresponde ang grupo ni Serna sa umano'y robbery incident sa Barangay San Juan, San Miguel.

Pagdating sa lugar, bigla na lamang umanong namaril ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo at tinamaan si Serna.

Pagkatapos ng insidente, kaagad na tumakas ang dalawang suspek patungo sa hindi mabatid na lugar.