Kasunod ng kumpirmasyon sa nalalapit nang pagsasara ng Tropang LOL ng TV5, makababalik pa kaya ang ilang dating Kapamilya stars kagaya nina Alex Gonzaga at Billy Crawford sa dating tahanan?

Ito ang tanong ni Mama Loi sa kasamahaang si Ogie Diaz sa latest Showbiz Update nitong Sabado, Marso 25, kasunod ng balitang pamamaalam na ng noontime show sa Abril 29.

Basahin: Confirmed na! Pagbabu ng Tropang LOL sa ere, may petsa na, ikinalungkot nina Alex G, Billy Crawford atbp – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

Saad ng talent manager, nakalulungkot umano ang balita lalo pa’t ilang dating kawani rin ng ABS-CBN ang nasa produksyon ng Tropang LOL na maghahanap na naman ng trabaho dahil nga sa pagtatapos ng programa.

Tsika at Intriga

Mark Andrew Yulo, naniniwalang babalik sa kanila ang anak na si Carlos

Samantala, makababalik pa ba sa ABS-CBN ang dating mga stars ng network? Ito ang tinimbang din ni Ogie.

“Kung talented ka naman, kukunin ka naman. Ako naniniwala ako sa ganon,” sey ng talent manager.

“Pero ‘di ba? ‘Wag lang ‘yung nagpapakawala ka ng hindi maganda tungkol sa pinanggalingan mo. Syempre, magmamarka ‘yan sa utak ng mga taga-ABS. Same goes ‘pag GMA ka, umalis ka sa GMA, pupunta ka ng ABS, TV5, ‘pa nagpakawala ka ng ‘di magandang salita sa GMA, syempre magmamarka ka rin sa GMA,” dagdag niya.

Nauna nang nakabalik sa ABS-CBN si ang host din ng Tropang LOL na si Bayani Agbayani sa pagbabalik muli sa ere ng “I Can See Your Voice” kamakailan.

Sa chika ni Ogie ayon sa kaniyang source, hindi naman sure kung na-offer-an ng parehong programa si Alex G na dating kabilang sa original cast ng show.

Habang abot-abot naman ang pagsisisi ng kapwa host din ng Tropang LOL na si Kiray nang hindi tanggapin ang unang offer ng parehong Kapamilya show dahil priority noon ang LOL.

“Hindi niya [Kiray] tinanggap ‘yung 'I Can See Your Voice.' Doon siya nagconcentrate sa LOL. Habang si Bayani Agbayani, sumegue sa “I Can See Your Voice”  ‘di ba? Kaya si Kiray, nanghihinayang na sana tinanggap na lang niya ‘yung 'I Can See Your Voice' kung alam niya lang noong una na magbababu na ‘yung LOL,” pagbabahagi pa ng source ng manager.

Sa huli, ipinunto naman ni Ogie na dapat maging grateful lang sa mga blessings at oportunidad na tatamasain, lalo na sa showbiz industry.