Nasa 10 na iba't ibang kalibre ng baril ang nakumpiska ng pulisya matapos salakayin ang isang sugar mill na pag-aari umano ni dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves sa Sta. Catalina, Negros Oriental nitong Biyernes.
Bukod dito, nasamsam din sa loob ng HDJ Bayawan Agriventures compound ang ilang rolyo ng bala, ayon Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) legal officer, Col. Thomas Valmonte.
Umaabot din sa ₱17 milyon (cash) ang naiulat na nasamsam ng mga tauhan ng PNP at 11th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army (PA).
Naiulat din na inaresto sa operasyon ang tatlo katao dahil sa umano'y pag-iingat ng mga baril at bala.
Idinagdag pa ni Valmonte na isinagawa ang pagsalakay sa bisa ng search warrant na inilabas ng Mandaue City Regional Trial Court laban sa dating gobernador.
Ang dating gobernador ay kapatid ni suspended Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves na isinasangkot sa pagpaslang kay Governor Roel Degamo sa Pamplona nitong Marso 4.
Philippine News Agency