Isang Hebrew Bible na may tandang nasa 1,100 taon ang ipinakita sa midya at isang linggong isasapubliko sa bansang Israel bago tuluyang ibenta sa New York.

Sa ulat ng Agence France Presse, ipinakita sa midya ang Codex Sassoon, ang kinilalang pinakamatandang halos kumpletong Hebrew Bible, nitong Miyerkules, Marso 22, sa Tel Aviv.

Ang nasabing Codex Sassoon ay isa sa dalawa lamang umanong manuskrito na may 24 aklat ng Christian Old Testament na nananatili hanggang sa modernong panahon.

Ayon kay Sharon Mintz, isa umanong espesyalista sa Jewish texts sa Sotheby, lumabas sa kanilang pagsisiyasat na isinulat ang nasabing Bibliya noong taong 900 sa bansang Israel o kaya naman ay sa Syria.

Internasyonal

Mga motorista sa China, ‘naulanan’ ng dumi ng tao mula sa isang sumabog na pipeline

Ibinenta naman umano ito noong 1000 AD, at itinabi sa isang sinagoga, na ngayon ay ang hilagang-silangan ng Syria, hanggang sa taong 1400.

Pagkatapos no’n, naglaho umano ang manuskrito ng mga 500 taon, at nakita muli noong 1929 nang ibenta ito kay David Solomon Sassoon, ang isa sa pinakadakilang kolektor ng Hebrew manuscripts.

"What you see here is an accurate, stabilised standard text of the Hebrew Bible, written over 1,000 years ago, as accurate as it is today," ani Mintz.

Ayon naman kay Orit Shaham Gover, curator ng ANU Museum of the Jewish People, isang beses din umanong naisapubliko ang nasabing Hebrew Bible sa British Library noong 1982.

"The Bible is the foundation of Jewish culture," aniya. "As an Israeli and a Jew, I think it's very important that the people of Israel will get to see this highly important Bible, and I'm proud we're the ones chosen to display it.”

Nakatakda umanong ibenta ang nasabing Bibliya sa auction house sa New York sa halagang mula $30 milyon hanggang $50 milyon.