Isinapubliko na ng Land Transportation Office (LTO) ang pamantayang halagang sisingilin ng mga pribadong driving school sa mga aplikante ng lisensya sa pagmamaneho.

Kasabay rin nito ang babala ni LTO chief Jose Arturo Tugade na maaaring managot o magmulta ang anumang driving school na maniningil ng labis o hindi makasusunod sa isinasaad ng pinagtibay na Memorandum Circular No. JMT-2023-2390 o "Omnibus Guidelines on the Accreditation, Supervision, and Control of Driving Institutions, and the Standardization of Driver and Conductor’s Education."

Magiging epektibo o iiral ang memorandum circular sa Abril 15.

Sa ilalim ng bagong pamantayan, ang pinapayagang pinakamataas na halaga na maaaring singilin ng mga pribadong driving institution para sa Theoretical Driving Course (TDC) ay hanggang ₱1,000.00.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Itinakda naman ₱2,500 ang pinakamataas na sisingilin sa mga sasalang sa Practical Driving Course (PDC) at kukuha ng lisensyang may code A at A1; hanggang ₱4,000 para sa license codes B, B1, at B2; at ₱8,000.00 para sa mga heavy vehicle na may license code C o Carrier of Goods (Truck), D o Passenger Vehicles (Bus), at CE o Articulated Vehicles.

Sa unang paglabag sa kautusan, magmumula ang mga driving school ng ₱50,000 at anim na buwang suspensyon ng akreditasyon.

Multang ₱100,000 at hanggang isang taong suspensyon ng akreditasyon ang naghihintay naman para sa ikalawang paglabag ng mga ito, at revocation o pagkansela naman ng akreditasyon kung lalabag pa rin sa ikatlong pagkakataon.

"Ang mga bagong panuntunang ay dumaan sa masusing pag-aaral ng technical working group at sumalang din sa serye ng konsultasyon sa lahat ng stakeholders," lahad ng opisyal.

"Nabuo ang maximum prescribed rates na ito bilang tugon sa apela ng marami nating kababayan na nagrereklamo sa mataas na singilin pero maituturing din itong patas na hakbang para sa driving schools na namuhunan din," dagdag pa ni Tugade.