Malapit nang buksan ang aplikasyon para sa scholarship program ng Landbank of the Philippines (LBP) para mga estudyanteng mula sa 60 na pinakamahihirap na probinsya sa bansa.
Sa ilalim ng 'Iskolar ng Landbank' program, katuwang ng bangko ang kanila partner-organizations na binubuo ng mga magsasaka at mangingisda na pawang agrarian reform beneficiaries (ARBs) ng pamahalaan sa pagbibigay ng nominasyon sa programa para sa mga estudyante sa kolehiyo.
Mula 2023 hanggang 2028, nasa 60 na iskolar kada taon ang makakukuha ng scholarship grant na nagkakahalaga ng ₱100,000 kada taon kung saan nakapaloob ang gastusin sa libro, uniform, at iba pang requirements sa pag-aaral.
Bibigyan din ng cash incentives ang mga ito kapag nagtapos na may karangalan.
Isinapubliko ang bagong selection process ng programa matapos tumanggap ang LBP ng mga katanungang mula sa mga interesadong aplikante mula nang ilunsad ito nitong Pebrero.
“We want the Iskolar ng Land Bank Program to create meaningful impact in the lives of deserving students who really need assistance the most. We are now reaching out to our partner cooperatives, associations, and organizations in the agri sector to nominate dependents from among their members,” banggit naman ni Land Bank President, CEO Cecilia Cayosa Borromeo.
Layunin ng programa ng nasabing government financial institution na matulungan ang mga anak ng mga ARB, magsasaka at mangingisda sa buong bansa.