Niyanig ng magnitude 5.1 na lindol ang probinsya ng Ilocos Norte nitong Biyernes ng gabi, Marso 17, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa tala ng Phivolcs, nangyari ang nasabing lindol na tectonic ang pinagmulan kaninang 9:23 ng gabi.
Namataan ang epicenter ng lindol 39 kilometro ang layo sa hilagang-kanluran ng Burgos, Ilocos Norte, na may lalim na 12 kilometro.
Naitala ng instrumento ng Phivolcs ang Intensity III sa Pasuquin, Batac City, at Laoag City sa Ilocos Norte, habang Intensity I naman sa Sinait at Vigan City sa Ilocos Sur.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga posibleng aftershocks, ngunit wala naman umanong inaasahang pinsalang maidudulot ang nasabing pagyanig.