Umapela muli si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez nitong Huwebes kay Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr., na pag-isipan nang maigi ang desisyong hindi pag-uwi sa bansa sa gitna ng mga alegasyon laban sa kanya.

Isinapubliko ni Romualdez ang pahayag kasunod na rin ng pakikipagpulong nito sa abogado ni Teves na si Ferdinand Topacio.

Aniya, mas makabubuti na umuwi na lamang sa bansa si Teves at harapin na lamang ang mga alegasyon kasabay ng paniniyak nito na makauuwi nang ang nasabing kongresista.

Sa naturang pagkakataon, isiniwalat ni Topacio ang pangamba ng kanyang kliyente dahil umano sa banta sa kanya at sa pamilya nito.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Inulit ni Romualdez kay Topacio na dapat nang bumalik sa Pilipinas ang kliyente nito at mag-report sa trabaho.

“I relayed to Atty. Topacio the decision of the House Committee on Ethics to investigate Cong. Arnie’s refusal to heed a direct order from the Speaker for him to come back home after the expiration of his travel authority last March 9,” pahayag ni Romualdez.

Aniya, kapag natapos na ang imbestigasyon, isusumite na sa liderato ng House of Representatives ang rekomendasyon ng komite laban kay Teves.

Matatandaang nagpadala ng kahilingan si Teves kay Romualdez na payagan siyang mag-leave of absence extension sa loob ng dalawang buwan.

Gayunman, hindi pa inaaksyunan ang apela ni Teves.

Matatandaang idinawit si Teves sa pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo sa kanilang bahay sa Pamplona, nitong Marso 4.

Kinasuhan din si Teves kaugnay sa sunud-sunod na pamamaslang sa lalawigan noong 2019.

Philippine News Agency