Ibinahagi ng social media personality at talent manager nina Madam Inutz at Herlene Budol na si Wilbert Tolentino na nagkaayos na sila ng kapwa social media personality na si Zeinab Harake matapos nitong humingi ng dispensa sa kaniya.
Matatandaang nabulabog ang online world nang magsagawa ng "rebelasyon" si Wilbert hinggil sa umano'y "backstabbing" na ginagawa ni Zeinab sa iba pang content creators, at maging celebrities na pinasok na rin ang vlogging.
Ayon sa panayam kay Wilbert sa grand opening ng kaniyang bagong Japanese restaurant sa Tomas Morato, Quezon City, inanyayahan niya si Zeinab na mag-drop by sa kaniyang bagong tayong negosyo.
Ipinakita pa ni Wilbert ang palitan nila ng mensahe ni Zeinab. Hindi naman nakapunta ang huli dahil sa prior commitments nito.
Nilinaw rin ni Wilbert ang isyung scripted at planado nila ni Zeinab ang naging bangayan online upang mapag-usapan at mapagkakitaan ito.
Kung may natutuhan man daw ang talent manager-vlogger-negosyante sa mga nangyari, ito ay ang pagpapatawad. Itinuturing pa rin niyang mentor si Zeinab pagdating sa vlogging.