Masayang ibinalita ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Linggo na wala na silang naitatalang COVID-related deaths sa lungsod.

Kaugnay nito, kinumpirma rin ng alkalde na patuloy na bumababa ang mga naitatala nilang kaso ng COVID-19 sa Maynila.

Ayon kay Lacuna, mula sa 87 indibidwal na sumailalim sa confirmatory RT-PCR test sa loob ng isang linggo, ay isa lamang ang nagpositibo sa virus.

Sinabi pa ni Lacuna na ang mga naturang indibidwal ay sumailalim sa RT-PCR tests bilang requirement sa trabaho o para sa admission sa ospital.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Sa kabila naman nito, pinayuhan ni Lacuna na huwag pa ring magpabaya at patuloy pa ring mag-ingat laban sa COVID-19.

“Magandang balita po ito pero kahit na mababa na ang bilang ng kaso, andiyan pa rin po siya,” paalala pa ng alkalde, na isa ring doktor.

Ipinaliwanag ni Lacuna na maraming tao ngayon ang nagtuturing sa ubo at sipon bilang isang ordinaryong trangkaso na lamang.

Dahil dito, hindi na sila nagpapa-swab test kaya naman mababa ang bilang ng mga taong nagpapa-RT-PCR o naitatala bilang positibo sa COVID-19.

Nabatid na sa kasalukuyan ay mahigit 230,000 katao na ang sumailalim sa libreng RT-PCR tests na patuloy na ibinibigay ng anim na public hospitals sa lungsod.

Mayroon aniyang 34 confirmed active COVID cases sa Maynila, base na rin sa pinakahuling tala ng Manila Health Department na pinamumunuan ni Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan.

Muli rin namang nanawagan si Lacuna sa publiko na patuloy na pairalin ang minimum health protocols kontra COVID-19, kabilang na rito ang pagsusuot ng facemasks sa mga lugar at pagtitipon na hindi magagawa ang social distancing, dahil hindi pa rin tapos ang pandemya.