Sinuspindi na ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng driver ng kotseng sumalpok sa dalawang motorsiklong kasali sa BOSS Ironman Motorcycle Challenge sa San Esteban, Ilocos Sur nitong nakaraang buwan.

Sa Facebook post ng LTO, hindi na isinapubliko ang pagkakakilanlan ng driver na pinatawan ng 90-day suspension ang kanyang lisensya sa pagmamaneho.Inihayag ni LTO-Intelligence and Investigation Division (IID) officer-in-charge Renan Melitante, naka-alarma na rin ang sasakyan na sangkot sa aksidente.

Aniya, nabigong humarap sa imbestigasyon ng IID nitong Huwebes ang driver ng kotse.

Gayunman, nilinaw nito na binibigyan pa nila ng isa pang pagkakataon upang makapagpaliwanag kaugnay sa insidente.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Limang araw naman ang ibinigay ng LTO sa BMW Owners Society of Saferiders (BOSS) na namahala sa BOSS Ironman Motorcycle Challenge upang maghain ng position paper nito at ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa reklamong administratibo.

“Paulit-ulit nating binibigyang-diin sa lahat ng gumagamit ng kalsada, kailangan ng ibayong disiplina at pag-iingat at siguruhing nasusunod ang mga regulasyong pangkaligtasan upang hindi malagay sa alanganin ang inyong buhay at ng ibang tao,” pahayag naman ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo Tugade.