Gusto umano ni Aljur Abrenica na makilala ang bagong lalaki sa buhay ng estranged wife na si Kylie Padilla, na nagkaroon ng pasilip noong Disyembre habang nasa travel ito sa Thailand.

Makikita sa Instagram stories ni Kylie ang holding hands nila ng naturang lalaki, na hindi naman ibinunyag ang mukha.

Kylie Padilla, may pasilip sa bagong jowa?

Ayon sa panayam ng Philippine Entertainment Portal o PEP kay Aljur, pag-amin ng aktor, hindi okay sa kaniya na wala siyang kaide-ideya kung sino ang bagong boyfie ng dating misis.

Hindi dahil sa nagseselos siya, kundi bilang ama nina Alas at Axl. Hindi raw niya alam kung ano ang trabaho nito o pinagkakaabalahan sa buhay kaya nais niya itong makilala on a personal level. Nais niyang makilatis kung sino ang posibilidad na makasama ng kanilang mga anak ni Kylie.

Ang kinaiba kasi nila ni Kylie, kilala na raw ng lahat si AJ Raval, ang bagong jowa niya, na noong Pebrero 14 ay hayagan na silang umamin sa pamamagitan ng social media posts.

Sa kabilang banda, masaya naman daw siya para kay Kylie dahil sa wakas ay natagpuan na nito ang lalaking karapat-dapat para sa kaniya.

Iyon nga lang, sana nga raw ay mabigyan siya ng pagkakataong makilala ito alang-alang sa kanilang mga anakshies.