Natimbog ng pulisya ang isang suspendidong pulis sa ikinasang buy-bust operation sa Imus City, Cavite nitong Miyerkules ng gabi.

Ang suspek ay kinilala ni Imus City Police Station officer-in-charge Lt. Col. Michael Batoctoy, na si Albert Lorenzo Parnala Reyes, 34, miyembro ng PNP, at taga-Brgy. Bucandala 2, Imus City.

Dinakip si Reyes matapos umanong bentahan ng shabu ang isang police poseur buyer sa Brgy. Malagasang 1-F, Imus nitong Marso 1.

Sa pahayag ng pulisya, sinuspinde si Reyes nitong Pebrero 16 hanggang Abril 16 sa kasong Grave Misconduct at Grave Irregularity in the Performance of Duty.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Sinabi ng pulisya na si Reyes ay sangkot sa pagtutulak ng illegal drugs sa Imus at iba pang bayan sa Cavite.

Nakumpiska rin sa suspek ang isang Cal. 45 pistol na may kargang magazine, isang motorsiklo at 20 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱40,000.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.