Pauulanin ng northeast monsoon o amihan at shear line ang malaking bahagi ng bansa ngayong Huwebes, Marso 2, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, magiging maulap na may kasamang pag-ulan sa Cagayan Valley, Bicol Region, Aurora, Quezon, at Oriental Mindoro dulot ng amihan.

Magkakaroon naman ng maulap na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Caraga, Southern Leyte, at Davao Oriental dahil sa shear line.

Ayon sa PAGASA, maaaring magkaroon ng pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar dahil sa mararanasang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

Samantala, magiging medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dahil muli sa amihan. Ngunit walang inaasahang malaking epekto ang pag-ulan dito.

Magkakaroon naman ng medyo maulap hanggang sa maulap na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms sa Palawan at mga natitirang bahagi ng Visayas at Mindanao bunsod ng shear line o ng localized thunderstorms. Posible rin umanong maranasan ang pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa sa mga lugar dito tuwing magkakaroon ng malakas na thunderstorms.