Lumawak pa ang pagkalat ng langis sa karagatang bahagi ng Naujan, Oriental Mindoro kasunod na rin ng paglubog ng isang oil tanker na may kargang 800,000 litrong industrial oil sa Balingawan Point nitong Martes.
Sa pahayag ng Philippine Coast Guard (PCG), kitang-kita ang lawak ng naapektuhan ng oil spill sa isinagawang aerial surveillance sa karagatang sakop ng Naujan nitong Miyerkules, Marso 1.
Bukod sa airbus helicopter, ipinadala rin sa lugar ang BRP Melchora Aquino upang tumulong sa surveillance operation.
Matatandaang patungo na sana sa Iloilo ang MT Princess Empress na galing sa Bataan, sakay ang 20 tripulante nang maganap ang insidente.
Bigla umanong nag-overheat ang makina ng barko dakong 2:00 ng madaling araw.
Napadpad ang barko sa Balingawan Point kung saan ito lumubog dulot na rin ng malalaking alon.
Kaugnay nito, bumuo na ng crisis management committee ang PCG upang magsagawa ng imbestigasyon at magrekomenda ng aksyon hinggil sa insidente.