Muling makararanas ng pag-ulan ang malaking bahagi ng Luzon at Visayas ngayong Martes, Pebrero 28, dahil sa northeast monsoon o amihan at shear line, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, magiging maulap na may kasamang pag-ulan sa Cagayan Valley, Bicol Region, Western Visayas, Aurora, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, at Romblon dulot ng amihan.

Magkakaroon naman ng maulap na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms at thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng Visayas dahil sa shearline.

Ayon sa PAGASA, maaaring magkaroon ng pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar dahil sa mararanasang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Samantala, magiging medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dahil muli sa amihan. Ngunit walang inaasahang malaking epekto ang pag-ulan dito.

Magkakaroon naman ng medyo maulap hanggang sa maulap na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms sa Mindanao bunsod ng localized thunderstorms. Posible rin umanong maranasan ang pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa sa mga lugar dito tuwing magkakaroon ng malakas na thunderstorms.