Arestado ang isang lalaking security guard dahil sa hindi awtorisadong pagsusuot ng isa sa mga uniporme ng Philippine National Police (PNP) sa Pasig City noong Biyernes, Pebrero 24.

Sa ulat na isinumite kay Pasig Police Chief Col. Celerino Sacro Jr., kinilala ang suspek na si “Mar,” 32, isang security guard, at residente ng Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.

Sa inisyal na imbestigasyon, nahuli ng mga pulis ng Manggahan Police Sub-Station (SS8) ang suspek sa mobile patrol operation sa kahabaan ng Paseo De Anemalis Street sa Barangay Santolan, Pasig City dakong alas-7:45 ng gabi.

Sa pagtatanong ng mga arresting officer, nagpakilala ang suspek na miyembro ng PNP na nakatalaga sa Pasig City Police Station, ayon sa ulat.

National

VP Sara Duterte, itinangging spoiled brat siya

Nabigo ang suspek na magpakita ng PNP identification card nang hiningi ng pulisya.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article 179 ng Revised Penal Code, na tumutukoy sa ilegal na paggamit ng uniporme o insignia.

Binigyang-diin ni Col. Sacro ang mga kahihinatnan ng mga hindi pulis na ilegal na gumagamit ng mga opisyal na uniporme o insignia ng pulisya.

“The penalty of prision mayor in its maximum period shall be imposed upon any person who shall publicly and improperly make use of insignia, uniforms or dress pertaining to an office not held by such person or to a class or persons of which he is not a member,” sabi ni Sacro sa isang pahayag.

Regular na sinusunod ng Pasig CPS Logistics Section ang patakarang “Tamang Bihis” na kinabibilangan ng inspeksyon sa lahat ng tauhan, gayundin ang imbentaryo ng mga lumang uniporme ng PNP para sa tamang pagtatapon.

Ginagawa ang Tamang Bihis para maiwasan ang hindi awtorisadong paggamit ng mga uniporme ng PNP at iba pang damit ng pulisya.

Khriscielle Yalao