Tinanggal ni Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes si Calvin Oftana sa kanilang 12-man roster at isiningit si Kevin Quiambao na makatutulong sa koponan laban sa Jordan sa FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Philippine Arena sa Bulacan sa Lunes ng gabi.
Binanggit ni Reyes, malaki si Quiambao na may taas na 6"8" kumpara kay Oftana na 6'5" lamang.
Makatutulong aniya si Quiambao kina Justin Brownlee at Jun Mar Fajardo.
"We need to be able to play better defense to come out and have a better performance against Jordan," katwiran ni Reyes.
Sariwa pa sa Gilas ang pagkapanalo nila laban sa Lebanon, 107-96, nitong Biyernes, kung saan hindi nakapuntos si Oftana.
Bukod kina Quiambao at Brownlee, kabilang din sa lineup sina Scottie Thompson, Dwight Ramos, Jamie Malonzo, CJ Perez, Bobby Ray Parks, Jordan Heading, Kiefer at Thirdy Ravena, Mason Amos, at Fajardo.
Sa kasalukuyan, nasa ikatlong puwesto ang Philippine team sa Group E, taglay ang 6-3 record.