Patuloy na makararanas ng pag-ulan ang malaking bahagi ng Luzon ngayong Linggo, Pebrero 26, dahil sa northeast monsoon o amihan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, magdudulot ang amihan ng maulap na may kasamang pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Bicol Region, Ilocos Norte, Aurora, at Quezon.
Maaaring magkaroon ng pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar dahil sa mararanasang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.
Magiging medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang katamtamang pag-ulan naman sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dahil din sa amihan. Ngunit wala namang inaasahang malaking epekto ang pag-ulan dito.
Samantala, magkakaroon ng medyo maulap hanggang sa maulap na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms sa Palawan, Visayas, at Mindanao bunsod ng localized thunderstorms.
Ayon sa PAGASA, maaari ring maranasan ang pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa sa mga naturang lugar tuwing magkakaroon ng malakas na thunderstorms.