Patay ang apat na sakay ng Cessna plane na bumagsak malapit sa bunganga ng Mayon Volcano nitong Sabado ng umaga.

Ito ang kinumpirma ni Camalig, Albay Mayor Carlos Irwin Baldo sa isang television interview nitong Huwebes. 

"Hindi na po search and rescue. Retrieval na po ang operation ngayon kasi napuntahan na kahapon 'yung mga sakay ng eroplano. Wala na po talagang buhay. Nandun po 'yung apat na pasahero natin," paliwanag ng alkalde.

Nahihirapan aniya ang retrieval team sa pag-akyat sa pinagbagsakan ng eroplano na nasa 3,500 hanggang 4,000 feet above sea level, ayon na rin sa pagtaya ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Umaabot din aniya sa lima hanggang anim oras bago makarating sa crash site ang retrieval team.

Nauna nang kinumpirma ni Energy Development Corporation (EDC) president, chief operating officer Richard Tantoco,ang pagkasawi ng apat na sakay ng eroplano.

Kabilang sa apat na nasawi sina pilot Captain Rufino James Crisostomo Jr., co-pilot Joel Martin, Simon Chipperfield, at Karthi Santhanam, kapwa consultant ng EDC.

Matatandaang naiulat na nawawala ang eroplano matapos mag-takeoff sa Bicol International Airport nitong Pebrero 18 ng umaga.