Napatay ang isa sa suspek sa pananambang sa grupo ni Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong, Jr. nitong Biyernes, ayon sa pahayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes.

Sa pahayag ni Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) chief, Brig. Gen. John Guyguyon, nakilala lamang ang suspek sa alyas "Otin" na sinasabing anak ng isa pang suspek sa pananambang kay Adiong na si "Fighter."

Pinaghahanap pa rin ng pulisya ang limang iba pang suspek.

Lumaban umano si "Otin" sa ikinasang operasyon ng pulisya nitong Pebrero 17-19 kaya ito napatay.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Narekober sa pinangyarihan ng sagupaan ang isang Colt MKIV Cal. 45 pistol at mga bala nito.

Matatandaang pinagbabaril ng mga suspek ang convoy ni Adiong sa Kalilangan, Bukidnon nitong Pebrero 17 na ikinasawi ng apat niyang tauhan.

Kabilang sa mga nasawi sina SSgt. Mohammad Jurai Mipanga Adiong, 40; Corporal Johanie Lawi Sumandar, 39; Corporal Jalil Ampuan Cosain, 40 at isang alyas "Kobi" na driver ng gobernador.