Inanunsyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Martes na nasolo ng isang taga-Pampanga ang mahigit ₱37.2 milyong jackpot prize sa MegaLotto 6/45 na binola nitong Lunes ng gabi.

Sa abiso nitong Martes, sinabi ng PCSO na matagumpay na nahulaan ng mapalad na mananaya ang six-digit winning combination ng MegaLotto 6/45 na 17-23-31-10 -21-14 kaya't naiuwi nito ang katumbas na premyong ₱37,251,519.80.

Ayon kay PCSO General Manager Melquiades Robles, nabili ng lucky winner ang kanyang lucky ticket sa Angeles City, Pampanga.

Upang makubra ang kanyang premyo, pinayuhan pa ni Robles ang lucky bettor na magtungo lamang sa punong tanggapan ng PCSO at iprisinta ang kanyang winning ticket at dalawang balidong ID.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Muli ring nanawagan si Robles sa publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games, gaya ng lotto, upang magkaroon na ng pagkakataong magiging susunod na milyonaryo ay makatulong pa sa kawanggawa.

Samantala, wala namang pinalad na magwagi sa ₱58.9 milyong jackpot prize ng GrandLotto 6/55 na binola rin nitong Lunes ng gabi, matapos na walang makahula sa six-digit winning combination nito na 15-20-08-28-19-05.

Ang MegaLotto 6/45 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes habang ang GrandLotto 6/55 ay tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado.