Iniutos na ni Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Rodolfo Azurin, Jr. ang pagsasagawa ng manhunt operation laban sa anim na umambus kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda sa Nueva Vizcaya nitong Linggo ng umaga.

Ito ang kinumpirma ni PNP chief information officer Col. Redrico Maranan nitong Linggo.

Bukod dito, inatasan din aniya ni Azurin ang mga pulis sa nasabing lugar na paigtingin ang pagtugis sa mga suspek na tumakas sakay ng isang government vehicle.

Bukod kay Alameda, nasawi rin ang limang tauhan nito sa pananambang.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Naiulat ng pulisya, biglang hinarangan ng mga suspek na sakay ng Mitsubishi Adventure ang kalsada sa Sitio Kinacao, Brgy. Baretbet, Bagabag, gamit ang barikada ng paaralan dakong 8:45 ng umaga.

Nang dumating ang van na sinasakyan ng grupo ni Alameda ay pinagbabaril na ito hanggang sa mapatay ang mga sakay nito.

Bago tumakas, binuksan ng mga suspek ang van at tinangay ang mga baril ng grupo ni Alameda, ayon sa pulisya.

Papunta sana sa Vice Mayors' League of the Philippines national convention sa Pasay City ang grupo ni Alameda nang mangyari ang pamamaril.

Aaron Recuenco