BACOLOD CITY – Sinisiyasat ng pulisya ang nasa P9 milyong halaga ng mga alahas at cash na umano'y ninakaw mula sa isang shopping mall sa Barangay Mambulac, Silay City, Negros Occidental noong Huwebes, Peb. 16.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, tatlong hindi pa nakikilalang tao ang puwersahang pinasok ang mall sa pamamagitan ng pagbutas sa dingding ng isang grocery area na nasa tabi ng isang bakanteng lote.

Pagkatapos ay pinutol umano ng mga suspek ang roll-up door patungo sa grocery store sa pamamagitan ng tenant kiosk area.

Pagkatapos ay tumuloy ang mga magnanakaw sa isang kiosk, kung saan sapilitang binuksan ang isang vault na naglalaman ng nasabing mga ninakaw.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Ayon sa Negros Occidental police, idineklara ng may-ari ng kiosk ang nasabing halaga ng mga ninakaw.

Gayunpaman, sinabi ni Kapitan Judesses Catalogo, tagapagsalita ng Negros Occidental police, na patuloy pa rin ang imbentaryo.

Aniya, wala pang lead ang pulisya sa pagkakakilanlan ng mga salarin.

Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ang isang pares ng construction gloves, isang bonnet, at isang asul na long sleeve shirt.

Glazyl Masculino