Patuloy uulanin ang malaking bahagi ng bansa ngayong Sabado, Pebrero 18, dulot ng trough ng low pressure area (LPA) at northeast monsoon o amihan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, namataan ang LPA sa layong 285 kilometro sa silangan timog-silangan ng Davao City.

Dahil dito, makararanas ng maulap na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Visayas, Caraga, Davao Region, Northern Mindanao, Bicol Region, Romblon, Marinduque, at Quezon bunsod ng trough ng LPA.

Magkakaroon din ng maulap na may pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Aurora dahil naman sa amihan.

Pinag-iingat ng PAGASA ang mga nasabing lugar dahil maaari umanong makaranas ng pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

Makarararanas naman ng medyo maulap hanggang sa maulap na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng Mindanao at natitirang bahagi ng MIMAROPA dahil sa trough ng LPA o localized thunderstorms. Posible rin ang pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa sa mga lugar dito tuwing magkakaroon ng malakas na thunderstorms.

Samantala, magiging medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dulot ng amihan. Wala namang inaasahang malaking epekto ang pag-ulan dito.