Pormal nang sinampahan ng agricultural smuggling case ang isang Pinoy, anim na Indonesian at pitong Chinese matapos mahulihan ng ₱400 milyong halaga ng smuggled na asukal habang ibinibiyahe sa Batangas kamakailan.
Kabilang sa kinasuhan ang kapitan ng MV Sunward, ayon sa Department of Agriculture-Office of the Assistant Secretary for DA Inspectorate and Enforcement (DA-IE).
Ayon kay DA Assistant Secretary James Layug, ang kaso ay hawak ng Office of the Provincial Prosecutor ng Batangas City.
Nag-ugat ang pagsasampa ng kaso matapos makumpiska ng mga tauhan ng DA-EI, Bureau of Customs (BOC) at Philippine Coast Guard (PCG) ang 4,000 metriko toneladang puslit na refined sugar mula sa Thailand habang sakay ng nasabing barko, sa ikinasang operasyon sa bisinidad ng Bauan at Mabini Bay sa Batangas nitong Enero 13.
Ipadadala sana ang kargamento sa Stone International Co., Ltd. nang maharang ng mga awtoridad.