Isang senior citizen na walang travel history ang naging unang kaso ng Omicron subvariantXBFsa bansa.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, kinumpirma ng Department of Health (DOH) na ang pasyente ay nakitaan lang naman ng mild na sintomas ng sakit at nakarekober na sa karamdaman.
Ang XBF, na recombinant sublineage ng Omicron BA.5 at BA2.75, ay iniuugnay sa pagtaas ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) cases sa Australia at Sweden.
Tinukoy ito ng World Health Organization (WHO) bilang Omicron subvariant under monitoring.
Gayunman, sinabi ng DOH na ang local sample ay na-detect sa panahong ang variant ay hindi pa klasipikado bilang variant under monitoring (VUM).
Nauna nang binanggit ng DOH na ang XBF sample ay nakolekta nitong Disyembre 2022 at isinailalim sa sequencing nitong Enero 28, 2023.
"Variants are expected to emerge and what’s important is our cases have remained manageable through vaccination and boosters. Let’s continue to assess our own risk and employ our layers of protection and through vaccination and boosters," dagdag pa ng ahensya.