Inilikas ang halos 200 pasyente ng Masbate Provincial Hospital habang ilang bahagi ng Magallanes Coliseum naman sa Masbate City ang nasira dahil sa yumanig na magnitude 6 na lindol sa probinsya kaninang madaling araw, Pebrero 16, ayon sa Disaster Risk Reduction & Management Office ng probinsya ng Masbate at Masbate City.
Nagtayong limang tents sa labas ng Masbate Provincial Hospital ang lokal na pamahalaan ng Masbate, sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction & Management Office (PDRRMO) para sa mga pasyenteng inilikas dahil sa lindol.
Ayon sa PDRRMO, wala namang naitang nasawi o nasugatan dahil sa nasabing pagyanig.
“Rapid damage assessment is currently being done to check the structural integrity of the buildings,” pahayag ng PDRRMO.
Sa pahayag naman ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), isang panel ng ceiling acoustic board sa Magallanes Coliseum ang nahulog dahil sa nasabing pagyanig.
Bukod dito, wala naman umanong malaking pinsalang nakita ang CDRRMO sa kanilang pag-inspeksyon sa Coliseum.
“As of now, two teams composed of representatives from the CDRRMO, BFP Masbate, City Engineering Office, and the DILG are in the process of assessing the damage and identifying the buildings and infrastructures that have been impacted,” anang CDRRMO.
Nangyari ang nasabing magnitude 6 na lindol sa dakong 2:10 kaninang madaling araw.