Matapos daw marinig at malaman ang tungkol sa relasyon ngayon ng Kapuso actor na si Paolo Contis sa kaniyang mga anak kina Lian Paz at LJ Reyes, tila "natatakot" na raw ang ina ni Yen Santos para sa kaniyang anak.

Iyan ang naging usapan sa latest episode ng "Showbiz Now Na" nina Cristy Fermin, Romel Chika, at Wendell Alvarez.

Matatandaang sa "Fast Talk with Boy Abunda" sa pilot week nito, naging guest ang kontrobersiyal na aktor at inamin nito ang real score sa pagitan nila ni Yen.

Inamin din ni Paolo na sa kasalukuyan ay hindi siya nakapagbibigay ng sustento sa kaniyang mga anak; bagama't nag-iipon daw siya upang ibigay ang malilikom na salapi sa kanila sa hinaharap.

Paolo Contis, inaming dyowa na si Yen Santos, pero di raw dahilan ng hiwalayan nila ni LJ Reyes

Ayon kay Wendell, kung siya raw ang kamag-anak ni Yen, sasabihan niya ito na mag-isip-isip na at baka mangyari sa kaniya ang mga nangyari sa una nitong karelasyon.

Sey naman ni Cristy, palagay niya ay normal lamang ang ganoong isipin lalo na kung malapit kay Yen. Baka nga naman kasi gawin din umano sa kaniya ang kinasapitan ng relasyon ni Paolo kina Lian at LJ at sa mga anak nila.

Marami naman daw sa mga netizen ang nagmamalasakit kay Yen at nag-iisip na baka posibleng mangyari din sa kaniya ito.

Palagay ng tatlong co-hosts, hindi umano maganda ang kuwentong tila naputol na ang komunikasyon ni Paulo sa kaniyang mga anak.

Naungkat pa ang tungkol sa "bisyo" umano ng aktor na sure na sure daw silang alam naman ni Yen.

Naglabas din ng saloobin ang mga host tungkol sa tsikang "umaasa" lang daw si Paolo ng materyal na bagay kay Yen, dahil marami umanong ipon ang aktres kahit minsanan lamang ang proyekto nito. Sa katunayan nga raw ay nakabili ito ng property sa Nueva Ecija.

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo nina Yen o Paolo tungkol dito. Bukas ang Balita sa kanilang mga panig.