Kasama ang ilang boss ng GMA 7 at ng Viva Communications, Inc., isang miting ang dinaluhan ni Matteo Guidicelli kamakailan dahilan para umugong muli ang umano’y napipinto niyang paglipat sa Kapuso Network.

Ito ang mismong kinumpirma ng aktor sa programa ni “King of Talk” Boy Abunda kung saan diretsa na nitong sinabi na may malinaw na posibilidad na nga ang dating chika lang.

Tsika at Intriga

Negosasyon sa renewal ng It's Showtime sa GMA, pinoproseso na!

“Sabi ni Matteo on-going ang negotiations pero mukhang may papupuntahan ang pag-uusap,” saad ni Tito Boy sa isang segment ng kaniyang programa nang makausap ang aktor.

Ayon sa isang Kapuso insider page sa Facebook, nakatakda umanong maging bahagi ng morning show na “Unang Hirit” ang aktor na kilala rin sa kaniyang hosting skills.

Dagdag naman na hirit ni Tito Boy, nasa ibang bansa umano ngayon si Matteo at ang misis na si Popstar Royalty Sarah Geronimo para ipagdiwang ang kanilang third wedding anniversary.

Samantala, nachichika rin online ang pareho rin daw na career move ng singer at aktor na si Sam Milby na isang homegrown talent ng Kapamilya Network.

Sa parehong social media post ng isang showbiz insider, sinabi nitong napipinto na nga raw ang pag-oober-da-bakod ni Sam sa Kapuso Network.

Kasalukuyang talent ang aktor ng Cornerstone na may koneksyon din ang ilang artists sa GMA-7.

Sa ngayon, wala pang kumpirmasyon mula sa kampo ng aktor kaugnay ng naturang usap-usapan online.

Si Sam ay unang nakilala sa sikat na reality show ng ABS-CBN na "Pinoy Big Brother."