Matapos ang mga rebelasyon at litanya ni Wowowin host Willie Revillame noong Pebrero 7 kaugnay sa ilang showbiz personalities na dati niyang natulungan subalit ngayon ay pinupukol siya ng tirada, muling binalikan ng netizens ang makahulugang tweet ni Gabriel "Gab" Valenciano, anak nina Mr. Pure Energy Gary Valenciano at Angeli Pangilinan.

Nag-ugat ito sa bali-balitang pansamantalang sisibakin muna ang ilang mga programa ng ALLTV. Hindi nakapagpigil si Revillame at nagbitiw ng mga pahayag na huwag namang ikatuwa ito, at sa halip ay ipagdasal sila.

Ang nakapagpa-trigger sa mga netizen ay ang binitiwan niyang salitang "I-set aside ang politika" dahil hindi raw ganoon ang nangyari sa ABS-CBN, nang hindi ito pagbigyang makapag-renew ng prangkisa.

Sa kasalukuyan, inookupa ng ALLTV ang Channel 2 frequency na dating naka-assign sa Kapamilya Network.

Cristy, inispluk ang dahilan kung bakit binigyan ng condo unit, kotse ni Willie

Isa sa mga celebrity na tila nagpakawala ng saloobin tungkol dito ay si Gab Valenciano, batay na rin sa interpretasyon ng mga netizen, noong Pebrero 5.

"I haven’t been as vocal for awhile but I can no longer suppress my thoughts. I will just say this."

"Your power to persuade people through gaslighting your whole life has run out. What goes around will always come back around. Filipinos are waking up, you should too," aniya.

https://twitter.com/gabvalenciano/status/1622141927436210176

Ngayon naman, hula ng mga netizen ay si Gab ang pinariringgan naman ni Willie sa isang artistang binigyan nito ng break sa Wowowin subalit lagi raw inaantok.

“Tapos yung isa, nag-Ingles-Ingles ka pa! Naging kasama ka namin sa production. Kapag pumapasok ka, di ba natutulog ka Papasok ka sa dressing room ko, ‘Kuya Wils, I cannot do this. You know, I feel so dizzy.’ May mga ganoon-ganoon ka pa sa akin."

"Baka nakakalimutan mo, ikinasal ka sa Tagaytay? Sa akin natulog ang nanay at tatay mo, sa bahay ko sa Tagaytay. Ang galing-galing mong sumayaw, malapit ka sa Diyos, ang pamilya mo. Nagko-comment ka ngayon."

“O ano, baka nakalimutan mo, kinupkop ko kayo noong kakasalin ka sa Tagaytay. Napahiwalay ka. Doon natulog sa akin ang tatay at nanay mo."

Dagdag pa ni Willie, "Hindi ko ito isinusumbat. Iyan ang gusto n'yo, malaman ng mga tao yung totoo. Huwag kayong ganyan! Tumingin kayo sa pinanggalingan… tumingin kayo sa inutangan n'yo ng utang na loob dahil ako, marunong ako ng utang na loob."

Si Gab Valenciano ay naging direktor ng Wowowin noong nasa GMA Network pa si Willie at ang programa.

Samantala, Pebrero 8 ng gabi ay humingi naman ng tawad si Willie kay Cristy Fermin, na isa sa mga pinaringgan niya noong Pebrero 7.

Isinalaysay ni Cristy ang naging pag-uusap nila ni Willie at ipinangako raw nito sa kaniya na hihingi ito ng tawad sa kaniya on-air.