Tinatayang aabot sa ₱7-milyon ang halagang gugugulin para sa rehabilitasyon ng 14 paaralan na nasira dahil sa nangyaring magnitude 6 na lindol sa Davao de Oro, ayon sa Department of Education (DepEd) nitong Biyernes, Pebrero 3.
Sa datos na inilabas ng Education Cluster Updates – Region 11, umabot sa 14 eskwelahan ang nasira mula noong Pebrero 2, isang araw matapos mangyari ang pagyanig sa nasabing probinsya.
Habang hindi pa naaayos ang naapektuhang mga eskwelahan, sinabi ni DepEd spokesman Michael Poa sa ulat ng Manila Bulletin na sasailalim muna ang mga estudyante sa Alternative Delivery Mode (ADM) o distance learning para hindi maantala ang kanilang pag-aaral.
“Then provision of temporary learning spaces for schools with major infrastructure damages, while being repaired,” ani Poa.
Samantala, sa kaniyang Basic Education Report (BER) 2023 noong Enero 30, binanggit ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na malaking sagabal sa kanilang education infrastructure program ang mga kalamidad tulad ng lindol.
Naglaan naman daw ng ₱15.6 bilyong alokasyon ang DepEd para maresolba ang pangkalahatang suliranin sa imprastraktura ng mga paaralan sa bansa.