Pinag-iingat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Huwebes, Pebrero 2, ang publiko sa mga mangyayari pang aftershocks dulot ng nangyaring magnitude 6 na lindol sa Davao de Oro, Miyerkules, Pebrero 1.
Sa Laging Handa briefing kanina na inulat ng PNA, sinabi ni Phivolcs director Teresito Bacolcol na inaasahang magkakaroon pa ng maliliit hanggang sa katamtamang aftershocks nang ilang araw o linggo sa kalapit ng epicenter ng nangyaring lindol.
Namataan ang epicenter ng lindol kahapon 9 kilometro ang layo sa timog-silangan ng Compostela, Davao de Oro.
Ayon kay Bacolcol, kapag nagkaroon ng bitak ang pader o haligi ng kanilang bahay, huwag muna silang papasok dito. Bagkus ay kumunsulta sila sa kanilang municipal o city engineering office para sa maaaring gawin.
Para naman sa mga taong nasa mabundok na lugar malapit sa epicenter ng lindol, mangyaring tingnan umano nila kung may bitak ang pagkatarik ng bundok dahil maaari itong magbunsod ng pagguho ng lupa.
Kinumpirma naman ni Bacolcol na walang inaasahang mangyayaring tsunami dahil sa nasabing pagyanig.
Dagdag nito, isang group daw sa kanilang opisina mula sa Quezon City ang bibisita sa epicenter ng lindol sa Biyernes, Pebrero 3, para alamin ang epekto nito.