Nasa kabuuang 293 pamilya na nabiktima ng serye ng mga sunog sa iba’t ibang lugar sa Maynila ang napagkalooban ng tulong pinansiyal ng lokal na pamahalaan nitong Miyerkules.
Mismong si Manila Mayor Honey Lacuna ang nanguna sa distribusyon ng tig-P10,000 financial assistance sa mga benepisyaryo, kasama sina Manila department of social welfare chief Re Fugoso at Vice Mayor Yul Servo.
Sa kanyang mensahe, nagpahayag ng labis na kalungkutan si Lacuna dahil sa mga sunog na naganap sa lungsod nitong nakalipas na buwan, kaya’t maraming residente ang nawalan ng tahanan.
Base sa rekord na ibinigay ni Fugoso, nabatid na ang mga tumanggap ng cash aid mula sa lokal na pamahalaan ay pawang mga biktima ng walong sunog na tumama sa lungsod noong Enero12, 14, 15,16, 21, 23, 24 at 30.
Nabatid na nagkaroon ng sunog sa halos lahat ng distrito ng lungsod, maliban lamang sa District 4.
Sinabi naman ng alkalde na walang sinumang dapat na sisihin sa naganap na sunog ngunit sinabing umaasa siyang magsisilbing aral ito para sa lahat.
Dalangin din umano ng alkalde na makabangon agad ang mga biktima mula sa trahedyang kanilang kinaharap.
Tiniyak rin ng alkalde sa mga fire victims na katuwang nila ang Manila government at handang magkaloob ng tulong sa kanilang muling pagbangon.
"Nandito ang inyong pamahalaan para kahit paano, matulungan kayo na umangat uli at bumangon. Hindi kalakihang tulong ang aming maibibigay pero alam namin na bawat isang batang Maynila ay matatag, kayang-kayang bumangon ulit kahit anong trahedya ang dumating sa buhay," ayon pa kay Lacuna.
Dagdag pa niya, “Lagi kaming nakahandang umagapay sa inyo. Pagdamutan sana ninyo ang munting nakayanan ng pamahalaang-lokal at sa darating na mga araw, sana ay makatulong kami na makabangon kayo nang lubusan."
Samantala, nagpaabot din naman ng pakikiramay si Lacuna sa mga pamilya ng mga residenteng sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa sunog.
Aniya, hindi dapat na mawalan ng pag-asa ang mga ito at hinikayat na magsimulang muli ng bagong buhay.