Sa kauna-unahang pagkakataon ay naispatang magkakasama sa isang dinner ang mga boss ng ABS-CBN at GMA, gayundin ang cast ng teleseryeng "Unbreak My Heart," na collaboration project ng dalawang higanteng TV stations sa bansa.
Matatandaang noong Enero ay pormal at opisyal nang inihayag sa publiko ang kauna-unahang collaboration project ng Kapamilya at Kapuso Network, kasama pa ang online streaming na "Viu."
"LOOK: #UnbreakMyHeart cast, staff and bosses bond over great food and good music. One heart, one family indeed!" ayon sa caption ng Instagram post ng GMA Network.
Makikita sa mga litrato ang GMA bosses na sina Annette Gozon Valdez, Joey Abacan, Joy Marcelo, gayundin ang ABS-CBN at Dreamscape Entertainment heads na sina Carlo Katigbak, Cory Vidanes, at Deo Endrinal. Kasama rin nila ang mga boss ng Viu Philippines.
At siyempre, naroon din ang cast na pinangungunahan nina Jodi Sta. Maria, Joshua Garcia, Gabbi Garcia, at Richard Yap.
Masaya naman ang mga tagasuporta ng dalawang network na finally raw ay unti-unti nang nalulusaw ang "network wars."
Sana raw, more collab projects to come pa sa dalawang bigating networks.