Naglabas na ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ng mga guidelines para sa mga fur parents na nais magsakay ng kanilang alagang hayop sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).

Ito’y isang araw bago ang implementasyon ng naturang bagong polisiya nitong Pebrero 1, 2023.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Ayon sa LRTA, isang maliit na aso o pusa lamang ang maaaring isakay ng bawat pasahero ng libre sa mga tren ng LRT-2.

Dapat din umanong ang alagang hayop ay nakalagay sa carrier o cage na hindi lalampas ang laki sa 2ft x 2ft at ang naturang kulungan ay dapat na ilagay sa kandungan o sa sahig, sa tapat ng paa ng pasahero.

Hindi naman umano papayagan ang pagsasakay ng mga alagang hayop sa strollers o maging ang pag-okupa ng kulungan nito ng ekstrang upuan sa tren.

Dapat ding nakasuot ng diaper ang mga alaga upang mapanatili ang kalinisan at sanitasyon sa buong biyahe ng mga ito.

Isasailalim rin umano ang mga alagang hayop sa inspeksiyon, at dapat na makapagprisinta ang passenger-owner nito ng vaccination card bilang patunay na bakunado ang kaniyang dalang alaga.

Papayagan rin lamang anila ang passenger-owner at ang kaniyang alaga na sumakay sa hulihang coach o bagon ng tren.

Mahigpit ding ipinagbabawal ng LRTA ang pagpapakain ng mga alagang hayop sa loob ng istasyon at mga tren ng LRT-2.

Paglilinaw pa ng LRTA, sila ay mayroong sole discretion, na tanggihang pasakayin ang pasahero sa tren kung ang dala nitong alaga ay ‘unruly’, agresibo, distressed, may sakit at kung may hatid itong banta sa kalusugan o kaligtasan ng iba pang pasahero.

“In such cases, the LRT-2 personnel may require the passenger-owner with such pet to alight/exit the station,” anang LRTA.

Binigyang-diin din ng LRTA na ang mga passenger-owner lamang ang responsable sa anumang pagkakasugat o pinsala na maaring idulot ng kaniyang dalang alaga habang sakay ito ng kanilang mga tren.

Kaugnay nito, tiniyak naman ng LRTA na handang-handa na sila para sa kanilang mga pawssengers.

“Handang-handa na ang Light Rail Transit Authority (LRTA) sa unang araw ng biyahe ng mga PAWssenger sa LRT-2 bukas, February 1,” anito pa.

Una nang sinabi ni LRTA Administrator Hernando Cabrera na tanging maliliit na alagang hayop lamang, gaya ng aso at pusa, ang maaaring isakay ng tren.

Hindi aniya maaaring isakay ang mga malalaking alaga, gayundin ang iba pang hayop na maaaring magdulot ng takot o discomfort sa ibang pasahero, gaya ng sawa, iguana, iba pang uri ng reptiles, at manok na hindi maaaring lagyan ng diaper.