Matapos lamang ang dalawang linggo, pinatigil na raw sa pag-ere ang Kapamilya serye na "Mars Ravelo's Darna The TV Series" sa bansang Indonesia.

Ayon sa ulat, pinatigil na sa pag-ere ang nasabing palabas sa ANTV, isang free TV sa Muslim country na Indonesia, dahil hindi angkop ang ilang mga eksena nito sa kanilang kultura at batas.

Mayroon pa umanong mga pagkakataon kung saan halos hindi na maaninag ang bidang aktres na si Jane de Leon tuwing naka-costume ng Darna dahil sa binu-blur daw ang katawan nito sa telebisyon.

Sa ngayon daw ay isang re-run ng palabas sa nasabing bansa ang pumalit sa timeslot ng nasabing Kapamilya serye.

Dibdib ni Darna, tinakpan sa poster ng ANTV; Indonesian viewers, nag-aalala

Matatandaang nauna nang naibalitang tinakpan ang dibdib ni Darna nang lumabas ang opisyal na poster nito, at i-post sa opisyal na IG account ng ANTV.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang ABS-CBN at JRB Creative Productions hinggil sa isyung ito.