Sinuspindi muna ang mga flight mula Cauayan Airport patungong Maconacon sa Isabela kasunod na rin ng pagkawala ng isang Cessna plane nitong Martes ng hapon.

Ito ang isinapubliko ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesperson Eric Apolonio sa isang television interview nitong Huwebes ng umaga.

Aniya, naglabas na sila ng NOTAM o Notice to Airmen sa mga airline operator upang ipabatid ang naturang hakbang.

Idinahilan ni Apolonio, hindi pa rin natatagpuan ang Cessna RPC 1174 na sakay ang anim na katao, kabilang ang isang piloto, sa kabila ng patuloy search and rescue operations sa bahagi ng Maconacon at Naguilian kung saan huling nakausap ng air traffic controller ang mga ito dakong 2:19 ng hapon.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Sa rekord ng CAAP, dakong 2:15 ng hapon nang mag-take sa Cauayan Airport ang eroplano at inaasahang lalapag sa Maconacon Airport dakong 2:45 ng hapon. Gayunman, hindi nakarating sa Maconacon ang eroplano.

Sinabi rin ni Apolonio na pinakakalma lamang nila ang panahon at nakahanda na ang dalawang helicopter at dalawang drone na gagalugad sa mga lugar na posibleng pinagbagsakan ng eroplano.

Kabilang sa sakay ng six-seater na sasakyang panghimpapawid si Capt. Eleazar Mark Joven (piloto), at mga pasaherong sina Tommy Manday, Val Kamatoy, Mark Eiron Seguerra, Xam Siguerra, at Josefa Perla España.