Kinilala ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa isang pagtitipon, kasama ang Barangay Health and Wellness Partylist, nitong Miyerkules ang kahalagahan ng trabaho at sakripisyo ng barangay health workers, lalo na noong kasagsagan ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Sa Facebook post ng Presidential Communications Office, binanggit na kinakatawan ng BHW Partylist sa Kongreso ang barangay health workers, barangay nutrition scholars, barangay sanitary inspectors at barangay service point officers.
Isinusulong din ng partylist ang kanilang mga karapatan at kapakanan habang nagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa bawat komunidad.
Matatandaang kabilang ang mga health worker sa nagsagawa ng house-to-house visit upang matukoy, masubaybayan at mabigyan ng kalinga ang mga residenteng tinamaan ng Covid-19 halos tatlong taon na ang nakararaan.